Wednesday, February 9, 2011

My Kindergarten Life

Bakit palaging may stick na hawak ang mga teacher?

Di pa uso yung preparatory school mga taong dekada 90. Wala pa nung nursery 1 tsaka nursery 2. Noon pag lima o anim na taong gulang ka na, eligible ka nang tumapak sa unang baitang ng karunungan na kung tawagin ay kindergarten. Kinder, for short.

Sa Villamor Air Base Elem. School sa Pasay ako unang sumabak bilang kinder pupil. Samu’t-saring emosyon ang nararamdaman ko noong first day of school. Excited, dahil magagamit ko na rin ang bagong mongol, bag, at kapote na bili ni Mama. Yung sapatos minana ko lang galing sa kapitbahay. Talagang nakaka-excite ang mga bagong biling gamit sa school, lalo na pag amoy-pabrika. At the same time, anxious din, kasi wala pa akong kakilala sa bagong mundo kung saan malayo na ako sa palda ng Mama ko. Bahala na, sabi ko.

Unang araw, inihatid lang ako ng kapitbahay namin sa school. Wala kasing bantay sa mga kapatid ko kaya di makaalis si Mama, si Papa naman nasa trabaho, kaya nagmagandang-loob na lang yung kapitbahay naming ihatid ako. Pagdating sa school, iniwan na niya ko. Nagpilit akong makipagsiksikan sa mga nanay na nakadungaw sa pintuan at bintana ng kwarto namin, nagbabantay sa mga kaklase kong ewan – namely, may umiiyak, may nakikipaghabulan, may nananabunot, may umaakyat ng mesa, may sumisigaw, at meron ding dedma at tahimik na nakaupo lang. Animo kaming mga bubuwit na pinakawalan sa palanggana. Maingay ang buong silid, wala pa kasi si titser. The kanto pala where I used to play piko, habulan, and taguan with my friends is nothing different from the very place where preparatory learning begins. Kinder pala, as my first impression, is cool.

Less the teacher.

Di naman mukhang kumakain ng bata yung titser ko, pero tama na yung mandilat siya para ipamukhang siya ang nasusunod dito sa school, kaya bawal ang maging maingay at malikot. Nung pumasok sya sa room, pinandilatan nya kaming lahat, at gamit ang stick na ipinanghahampas nya sa hangin para mabigyan ng emphasis ang bawat salitang binibitawan niya, she spoke aloud, “Good morning, children!”

Tama na yun para malaman kong sadyang mainam na panakot ang stick para mahubog ang kaalaman ng isang kinder pupil.


Ako’y tutula, mahabang-mahaba. Ako’y uupo, tapos na po.

Ako yung tipo ng estudyante na walang hiya. Wala naman sa hinagap ko ang maging sipsip, mas nag-eenjoy kasi ako na may napapatunayan ako sa sarili ko kesa magpasikat sa titser at mga kaklase ko. Kaya sa tuwing magtatanong si Ma’am kung sino ang gustong kumanta o mag-recite sa harap ng klase, taas lagi yung kamay ko. Nakapag-research ata ako ng mga nursery rhymes sa kanto, tsaka sinusuplayan ako ng kapitbahay namin ng mga kantang pambata tulad ng “Beep! Beep! The small jeep, is coming down the street!” Kaligayahan ko na kasi noong mabalita ke Mama tuwing pag-uwi ko that I was able to sing or recite in front of the class. Biba ata ‘to!

Minsan ginulat ako ng titser ko nang tawagin niya ako para magrecite sa harap ng klase. Sawa na yung mga kaklase ko sa “Beep! Beep! The small jeep..! kong kanta. Wala na din akong maalalang tula, parang naubos ko na ata. Sa unang pagkakataon, na-stagefright ako. At dala marahil ng maagang pagkamulat ko sa buhay sa kanto, namutawi sa bibig ko ang mga salitang hindi ko naman inimbento, basta alam ko narinig ko lang ‘to sa kalye. With appropriate hand gestures and voice filled with emotions, I quipped:

Ako’y tutula, mahabang-mahaba.

Ako’y uupo, tapos na po.

Buti na lang, di ako binatukan ng titser ko. Pasimple lang siyang nagsabing, “Okay, class, who else could sing or recite a poem?”

Dapat tandaan: sa buhay, dapat palagi kang may baon. Dapat lagi kang handa.


Anong pinagkaiba ng payong sa kapote?

Sa lahat ng mga bagong gamit ko sa school e pinaka-favorite ko yung kapoteng bili ng Mama ko. Transparent siya at amoy goma. Madalas ko siyang isukat sa harap ng salamin, curious kung anong magiging itsura ko pag suot ko yun. Ipinagdarasal ko palagi na sana e umulan para masuot ko yun pag-uwi ko galing school. Buwan noon ng Hulyo at panahon ng tag-ulan. Alam kong darating ang araw na magagamit ko rin yung bago kong kapote.

Sakto, timing atang dininig, isang araw, yung dasal ko. Hindi naman makulimlim yung langit (umaaraw pa nga e!) nang maramdaman ko ang mga munting patak ng ulan sa noo ko. Umaambon, sabi ng kaklase ko na hila-hila na din ng Nanay niya pauwi. Ayos, pagkakataon ko na ‘to. Kinuha ko sa bag ang kapote ko, at mula sa maayos nitong pagkakatupi, e excited ko siyang sinuot. Naks, naka-kapote na ako!

Magaan ang mga paa kong binaybay ko ang daan pauwi. Tinginan sa akin ang mga tao. “E, ano, e sa ayaw kong mabasa ng ulan e!” sabi ko sa sarili ko. Kaya patuloy pa rin ako sa paglakad pauwi.

Pagdating ko sa bahay, pinuna ako ng Mama ako. “Ba’t basa yung ulo at likod mo? Nabasa ka ba ulan? Umulan ba?”

Payong is what you use may it be a sunny or a rainy day. Pawis is what you get when you use kapote the wrong way.


Tapos na ba?

Nursery na ngayon yung panganay ko. Next school year, magki-kinder na kami. Humigit dalawampung taon man ang agwat ng aming panahon, masaya akong makitang napagdadaanan na rin niya ang mga bagay na napagdaanan ko din noon. Siguro, may mga times na mas madiskarte pa nga siya kesa sa akin humarap sa hamon ng buhay prep. Minsan, di ko tuloy mapigilang mapangiti habang nakikita siyang nadadapa, bumabangon, at natututo sa school. Preparatory school, kasi is a microcosm of how you deal with the bigger school called life. Kung maganda ang foundation mo sa unang hakbang mo sa kaalaman, madadala mo ito pagsabak mo sa mga mas malalaking periodical exams mo sa buhay.

Hindi ko akalaing sa mura kong edad e masusubukan ang aking tibay ng loob. Mahaba pa ata ang lecture ng titser ko, nag-eenjoy pa siya sa pag-eenumerate ng mga bagay na nagsisimula sa letter F. Sumasakit na ang puson ko at naninigas na ang mga kalamnan ko. Hawak-hawak pa rin ni titser ang stick at malugod itong ikinukumpas-kumpas habang nagsasalita.Tumatayo na ang mga balahibo ko. Kaya pa ‘yan, tiisin mo na lang muna, sabi ko sa sarili ko. Pero tuloy pa rin si titser, hindi alintana na sinlaki na ng mais ang pawis ko sa noo. Sa huli e nakadama ako ng pagkatalo, pinanghinaan ako ng loob na sabihin kay titser ang problema ko. Kasabay nun ang maginhawang pakiramdam at basang pakiramdam sa aking puwitan. Timing naming nag-pause si Ma’am sa kanyang talumpati, sinunggaban ko kaagad ang pagkakataon na makapagpaalam na mag-CR.

Ma’am, may I go out po?